Skip to content

Katahimikan

February 11, 2013

Mag-iisang buong ikot ng mundo na mula nang dumating ako dito sa Taipei. Wala pa rin naman ako sa talagang titirhan ko, sa Hsinchu, kung saan ako mag-aaral. O mananaliksik – ayoko na kasing sabihing “mag-aaral” ako, kasi sasabihin ng mga tao, “Ano ba yan – ‘di ka pa nagsawang mag-aral!” Sa totoo lang, sabik na sabik na akong magsimula sa laboratoryong tatanggap sa akin. Hindi ko maipaliwanag. Parang nakatira yata ako ng 98% na ethyl alcohol. Ngunit dahil may palugit ng 15 araw ang Republika ng Tsina (Taiwan) sa kanyang mga Resident Visa holders, kailangan kong pumunta sa bansang ito kung kailan wala masyadong tao, at walang masyadong pagbibilhan ng gamit.

Chinese New Year’s Day mismo ako dumating sa airport. Puno pa ng usok ang himpapawid – alam naman nating mga Pilipino kung bakit. Ngayong sinusulat ko ito, tapos na ang unang araw ng pagdiriwang. Bukas, wala pa ring pasok dahil iyon ang araw kung kailan dadalaw ang mga babaeng may-asawa sa kanilang sari-sariling mga magulang. Iyon ang sabi sa akin ng Wikipedia, pero sabi din ng ibang tao sa Net na magbubukas na rin ang ilang tindahan sa araw na iyon.

Hindi rin naman ako makagala masyado. Pagod na ako doon sa karanasan ko pagpunta sa Sindian para magsimba sa Orthodox Church doon. May emosyonal na bahagi ang kapaguran – iyon siguro ang dumale sa akin kanina. Muntik na akong mawala, muntik nang maghanap na lang ng taxi (at hindi ko pa naisulat antemano kung saan ako pupunta, kaya wala din iyon). Biglang ibang lahi ang nakapaligid sa akin – at hindi sila taga-Taiwan talaga: mga Ruso at Griego ang karamihan.

Kinaibigan ko yung isang Taiwanese. Hindi siya makapag-Ingles, kaya sabi ko sa sarili ko, mapa-practice ako nito sa Chinese. Gusto ko siya, dahil tahimik siya at mukhang hindi malisyoso – pero dahil siguro yun sa hindi nga siya makapag-Ingles. Malayo pa ang lalakbayin naming magkasama siguro. Pero ibang usapan pa yun. Hangang-hanga kasi talaga ako sa kanila, kasi hindi sila maaarte katulad nating mga Pilipino, kaya gusto ko magkaroon ng kaibigang Chinese (hindi raw kaiga-igaya ang salitang “Intsik” sa kanila, kaya hindi ko na iyon gagamitin). Pero hayan na naman siguro ako.

Lagi-lagi rin, kahit sa Pilipinas, nararamdaman kong mag-isa din ako at minsan, gusto ko ng kasamang tagapag-aliw, hilahin ako mula sa katahimikan at palundagin kasama niya sa umaatikabong buhay ng lipunan. Mas masidhi lang nang kaunti itong nararamdaman ko sa Taiwan, dahil alam kong maaari talaga itong maganap: ako’y maaring dalhin sa iba-ibang landas, makakilala ng iba-ibang tao. Hindi naman kasi ito parang Amerika na kaliwa’t kanan Ingles ang maririnig mo, at kung saan maraming Pilipino. Hindi rin naman gaanong isyu sa atin ang makakilala ng Amerikano, kasi sa lagi naman natin silang nakikita sa Pilipinas ay kabisado na rin natin kung ano ang gusto nila sa atin.

Ito ay Taiwan, isang lugar na malabo na sa sarili niya kung ano ang gusto niyang maging. Lalo pa siguro sa kung ano ang nais ng mga tao dito sa mga banyagang tumitira dito at nagtatrabaho. Iba din ang kultura nila, kahit alam nating karamihan sa kanila’y Tsino – hindi naman sila pareho ng mga Filipino-Chinese, na parang Pinoy lang na hindi masyadong nagsasama-sama sa ibang Pinoy.

Ngunit, palagay ko ay hindi ako nababagabag nang ganoon kalalim ngayon. Hinahanap ko pa ang kinasanayang lugar, mga tao, mga usapan, dahil – utang na loob – isang ikot ng mundo pa lang ako sa Taipei. Ngunit batid kong napapasinayaan na ng mga araw na ito ang kabuuan ng buhay ko sa hinaharap. Hindi lang sa islang ito, hindi lang sa bansang ito, kundi kahit saan man ako magpunta. Bawat sandal ay tumatatag ako at lumalakas. Balang araw naman, sinasabi ko sa sarili ko ngayon, mahahanap ko ang katahimikang nais ko sa buhay. Hindi basta kawalan ng sigalot o away ang hinahanap ko. Tulad ng pagkakakilala ng mga conquistadores sa Karagatang Pasipiko, ang hanap ko ay isang kinabukasang milyon-milyong dipa ang lapad, milyon-milyong milya ang haba, milyon-milyong estadya ang lalim, at milyon-milyong sandali ang tagal.

萬萬公里

長寬高地

萬萬分钟

昨今明天

Leave a Comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: