Skip to content

Ang Sagot ng Pilipinas sa Liham ni Yolanda

November 20, 2013

Dear Yolanda,

Natanggap ko ‘tong sulat mo kamakailan lang. Hindi naman kinakailangang humingi ka ng dispensa. Ikaw naman – para namang wala kaming pinagsamahan ni Ondoy, ni Reming, ni Osang, ni Milenyo. Tsaka ‘yung mga kawalan ng kuryente sa bahay, naku, kung nandito ka lang nu’ng 1990, baka tinaob ka ng Napocor at Meralco bago mo sila pataubin. Ikaw lang ang pinakamaanghang na baklang dumalaw sa bahay ko, pero dahil sisterette ka din, gora lang – kahit pinagsasampal mo yung mga puno ng niyog sa bahay.

Wala ka naman – hindi ka naman boyfriend na nanggagamit, nangi-iwan. (Nakatatlo na ‘kong lalaki, ‘wag ka – taob ka sa byuti ko.) Wala ka namang mga anak na lagi na lang umaasa sa iyo, na pati ikaw pinaglalaruan. Yung sinulat ni Jose Rizal tungkol kay Sisa? Maswerte pa siya, naku. Ikaw lang talaga – actually, bawat dalaw ng mga katulad mo dine, lagi akong malinis. Salamat.
Pero ayoko namang namamatayan ng anak. Please, sa susunod alalahanin mo yung tatlong mokong na yun na nanloko sa akin ng mga anak ko. Tsaka yung mga anak ko na nanloko sa akin muli. Lumihis ka siguro, dalawin mo din si mareng Taiwan o si ate Vietnam, si lola Tsina, o pwede din si madam Indonesia, pero hinay-hinay lang. Sige ka. Tatanda kang walang jowa.

Pero seryosohan muna tayo, ineng. Tama ka, kailangan kong angkinin ang aking mga pagkakamali. Dati kasi, ang ganda-ganda ko eh. (Talaga.) Lagi namang nililitanya ng mga tao ang mga karanasan ko, parang love story ba, parang telenovela. Hindi naman pinakikinggan nang mabuti. Pero (sa madaling salita) ang tanga-tanga ko kasi. Sama ako ng sama sa kung sino-sinong lalaki, hinahanap ko sarili ko noon sa kanila.

Hanggang ngayon, marahil.

Yung sinabi mo tungkol sa pera, wala namang halaga sa akin iyan, wala nga ako niyan eh. Ginamit ng mga anak ko. Eh ano pa nga ba, ibibigay ang lahat para sa kinabukasan (dapat) nila. Hindi ka kasi naging nanay, isa ka lang haliparot na padaan-daan at nakikitsismis. Yung “blame game”, mare, ‘yan ang paboritong pastaym ng mga anak ko. Ikaw din ba, laro mo din ‘yan? A, wala, talo ka sa iringan nila:

“Ma, si Kuya o, walang pakialam.”
“Ma, si Bunso o, kabata-bata mahilig na sa tsiks.”
“Ma, si Gitna o, sigaw nang sigaw.”

Minsan naiisip ko, ibenta ko na lang kaya katawan ko. Pero ang ginawa ko, ano, Yolanda, ang ginawa ko: pinamigay ko yung mga anak ko sa mga kapitbahay. Yung mga mababait, yung mga masisipag, yung mga mukhang may laban sa buhay. Sana daw, lumaking mas maayos sa piling nila.

Kaya iyong nakasuot ng barong na nananaliksik ng paraan upang pag-aralan ang nervous system? Anak ko ‘yan!

‘Yung sikat na rapper at miyembro ng banda na sikat na sikat sa buong mundo? Anak ko ‘yan!

‘Yung taga-NASA na nakatuklas ng tunay na itsura ng Antarctica at ng North Pole? Anak ko ‘yan!

Anak ko iyang mga ‘yan, marami pang ibang tulad nila, nananahimik. Alam kong hindi nila ako ikinakahiya, kahit ayaw nila sa mga kapatid nilang narito sa akin. Alam mo kung bakit ko alam? Simple: lagi pa din akong pinapadalhan ng postcard. Linggo-linggo nga eh. Miss na miss na daw nila ako. Ipe-petisyon nga daw nila akong makapiling nila, ako lang naman itong ayaw, dahil lupa pa din ng mga magulang ko ito, ng mga kapatid ko, ng mga kalaro ko noong bata pa. Akin din itong lugar na ito.

Hindi naman ikaw ang taga-suri, mare. Ako – ako ang inspector ng mga anak ko. Medyo mali ka, kasi kahit sa gitna ng iyong, ehem, “dalaw”, nag-aaway pa rin ang mga anak ko. Please lang, ano. Kung magtigil kaya sila diyan ng lamangan, at magtulungan, mag-usap nang maayos at nang masinsinan. Dati naman nilang nalalagpasan ang mga pagsubok ng mga jowa ko sa kanila, bakit hindi ngayon? Aysos, gawin na lang nila, ‘kako, yung dapat na gawin. Minsan naisip ko na rin kung mali ba ang pagpapalaki ko sa kanila.

Ngayon ko siguro natatanto na marahil nga.

Hindi naman ako galit sa iyo, nagpapasalamat pa nga dahil may napagtanto ako. Sana, kayanin ko pa. Sana, hindi ko na lang iwan itong mga balasubas na ito at ikahiya sa harapan ng madla. Hindi mo man ako matutulungan, Yolanda, tutulungan naman ako ng mga anak kong ipinamigay ko dati. Pero sana hindi mangyari na isuka ko na lang bigla ang mga talipandas na mga anak ni Satanas na ito, itong mga humuhuthot ng pera sa akin, na iluwa ko sila sa laot. Hindi lang sila ang anak ko. At hindi sila ang buhay ko. Ako ang buhay nila.

Nananatiling matatag,

Pilipinas

Leave a Comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: